Entries in category "Tagtuyot"


Kagagaling ko lang kanina sa shop ng tito ko sa may Project 8. Inutusan kasi ako ng nanay ko na singilin ang utang ng tito ko. Masaya pa ako ng una. Nagyayaan pa nga kaming manuod ng sine nitong darating na linggo. Kampante din ako kasi muli akong bumabalik sa pagkabata, sa tulong na lang ng librong binabasa ko habang nasa dyip.

Kaso isang gwardya ang nakatawag-pansin sa akin. Tumigil ang dyip na sinasakyan ko sa tapat ng isang iskwelahan sa may Tandang Sora, para magsakay ng pasahero. Nakita ko ang gwardya sa iskwelahang iyon, nakatayo at may kinukutkot na bag ng plastic. Lumingon sa baba ang mata ko, at doon ko lang napansin ang isang lalaki na nakaupo sa simento.

Aah, tsinetsek ng guard ang bag niya, bulong ko sa sarili ko.

Pero bakit ganoon? May mesa naman sa tabi ng guardhouse. Kapag may pumapasok sa isang gusali at itsetsek ng gurad ang gamit nito, diba pinapatong ang bag sa mesang iyon, kasi doon nakalaan iyon. In short, para sa mga bisita iyon.

Pero bakit ang lalaking iyon nakalapag ang bag niya sa simentong nilalakaran ng mga istudyante? Para saan pa ang mesa?

Bulag. Putol ang kaliwang kamay.

Iyan ang lalaking nakaupo sa simento.

Porket lang ba may kapansanan ang lalaking iyon, at porket lang ba mukhang gusgusin at hindi kagalanggalang, pauupuin na ng isang gwardya ang isang mama sa simento at doon niya na din tsitsikin ang mga gamit niya? Porket hindi naka necktie at long sleeves?

Nakakasama ng loob. Alam ko maliit lang na bagay ito, pero nakakainis pa rin. Nakakainis ang mga taong stereotype. Mga tamang hinala.

Ang sa akin lang, tao pa rin iyon. Gusgusin man, at mukhang hindi kagalanggalang hindi dapat ganoon ang trato mo para dito. Hindi ba sila nanood ng commercial o nagbabasa ng bibliya? Ako hindi, pero ni minsan hindi ko sila pinagisipan ng masama.

Ang sa akin kasi, ganoon man ang itsura nila, " they deserve to be respected." Lahat naman tayo hindi gusto ng pinagiisipan ng masama, lalo pa ng tratuhin na para bang lagi kang may dalang bomba.

Nakakasama lang talaga ng loob.
Currently listening to: From the Heart
Currently reading: same
Currently feeling: sympathetic
Posted by sampu on April 22, 2005 at 06:31 PM in Tagtuyot | 2 ang nabentahan
* Isusulat ko sana ito sa english, pero feeling senti mode ako kaya sa tagalog na lang muna. Ano bang bago?*


"Where's the light?"

Ito lagi ang tinatanong ng tita ko sa apo niya. Kapag pinapaliguan, binibihisan, pinapakain at kung anu-ano pa. At itong pamangkin ko naman, ituturo ang ilaw namin sa banyo, sa sala, sa kusina, sa lahat ng parte ng bahay na may ilaw. Nakakatuwa para sa isang taong bata na malaman na kung anong bagay ang nagbibigay ng liwanag sa isang bahay.

"Where's the light?"

Ito ang tanong ko sa sarili ko nang malaman kong patay na ang nanay ng kabarkada ko. Nasaan na ang liwanag na magbibigay lakas at magdudulot ng kaginhawaan sa isang taong nawalan? Saan niya ituturo ang kanyang mga daliri para ipakita sa amin ang pag-asang nag-aantay para sa kaniya? Papaano niya matatanggap ang pangyayaring ito? Papaano niya maiintindihan ang isang bagay na naghatid sa kanya sa kalungkutan? Makakayanan kaya nilang magkakapatid na maglakad sa kadiliman?

"Where's the light?"



Ito ang tanong ko sa Diyos nang ilibing ang nanay ng kabarkada ko kahapon. Tumingala ako sa ulap, at nagtanong. At unti-unti kong nalaman ang mga kasagutan. Sagot sa mga tanong ng buhay, na pilit nating tinataguan, at tinatakasan.

Hindi naman dumilim, kundi kumulimlim - at darating din ang liwanag.

Hindi naman nawala, kundi naghanap - at muli'y magkikita.

Walang umalis, pero may nag-aantay - at muli'y magkakasama.

Alam naman natin na mamamatay tayo, hindi lang natin pinaniniwalaan. Mas masakit kasing tanggapin ang mga katotohanan, kaya nabubuhay tayo sa mundong kalahati lamang ang totoo. Kung alam natin na pwede na tayong mamatay kahit mamaya, iba sana ang tingin natin sa mundo.

Hindi ako takot mamatay. Hindi ako takot na iwanan ang mga taong nasa paligid ko. Hindi ako takot sa sakit na mararamdaman ko. Hindi ako takot...hindi.

Sapagkat araw-araw tinatanong ko palagi sa sarili ko, Papaano kung mamatay na ako ngayon? At tuluyan ngang nagbabago ang tingin ko sa paru-paro..



Pero, may dadalaw kaya sa puntod ko't luluha sa aking pagkawala?


Once you learn how to die, you learn how to live

Currently listening to: tunog ng elektrikpan
Currently reading: Tuesdays with Morrie
Currently watching: Kung Fu Hustle. whappak!!
Currently feeling: emo
Posted by sampu on January 30, 2005 at 04:09 AM in Tagtuyot | 27 ang nabentahan
« Newer · Older »